Hepatitis B

Hepatitis B

Hepatitis B

Pakinggan
  • Panimula

    • Ang Hepatitis B ay isang virus na umaatake sa atay. Kapag hindi nagamot, ang hepatitis B ay maaaring magdulot ng malubhang problema sa kalusugan tulad ng pagkasira ng atay, kanser sa atay, at maagang kamatayan.
    • Karamihan sa mga nasa hustong edad na nagkaroon ng hepatitis B ay maaaring kusang gumaling subalit hindi ito karaniwang nangyayari sa mga sanggol at mga bata.
    • Ang magandang balita ay kung may kasamang pangangalaga, ang mga taong may hepatitis B ay maaaring magkaroon ng mahaba at malusog na buhay!
    • Naipapasa ang hepatitis B kapag ang virus na nasa likido ng katawan tulad ng dugo, semilya, o likido mula sa ari ng babae o taong may hepatitis B ay pumasok sa katawan ng isa pang tao.
    • Ang pagpapabakuna para sa hepatitis B ay ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang hepatitis B. Marami ring ibang mabisang paraan upang maiwasang makuha o maipasa ang hepatitis B.
    • Ang tanging paraan upang malaman kung ikaw ay may hepatitis B ay ang magpasuri.

    Basahin ang mga sumusunod na sagot para sa mga karaniwang katanungan tungkol sa hepatitis B.

  • Ano ang hepatitis B?

    Ang hepatitis B ay isang virus na umaatake sa atay, isang lamang loob na napakarami ang ginagamapanang katungkulan sa katawan. Mahalaga ang atay para sa mabuting kalusugan.

     

    Karamihan sa mga nasa hustong edad na, kapag nahawa ng hepatitis B, ay maaaring kusang gumaling mula rito ng walang kinakailangang paggamot. Subalit ang mga sanggol at mga bata ay kadalasang hindi kusang gumagaling. Kapag ang tao ay gumaling mula sa hepatitis B, sila ay may proteksyon na o immunity, ibig sabihin, hindi na sila mahahawa muli.

     

    Para sa mga hindi kusang gumaling, ang virus ay mananatili sa katawan sa loob ng matagal na panahon. Maaari nitong mapinsala ang atay sa paglipas ng panahon at maaaring mauwi sa malubhang karamdaman katulad ng pagpalya ng atay o liver failure, kanser sa atay at maagang pagkamatay. Ang magandang balita ay sa pamamagitan ng tamang pangangalaga, ang mga taong may hepatitis B ay maaaring magkaroon ng mahaba at malusog na buhay.

  • Paano nakukuha ng isang tao ang hepatitis B at paano ito maiiwasan?

    Naipapasa ang hepatitis B kapag ang virus na nasa likido ng katawang mayroong hepatitis B tulad ng dugo, semilya o likido mula sa ari ng babae ay nakapasok sa katawan ng isa pang tao.

     

    Sa mga bansang pangkaraniwan ang hepatitis B, karaniwang naipapasa ang virus mula sa ina patungo sa anak habang ito ay ipinapanganak o sa pagitan ng mga magkakasama sa bahay sa pamamagitan ng direktang kontak ng mga likido ng katawan na mayroong virus (halimbawa, pagbabahagi ng mga kagamitang pampersonal na pangangalaga gaya ng pang-ahit, panggupit ng kuko at sipilyo). Sa mga bansang ito, ang hepatitis B ay kadalasang naipapasa dahil sa mahinang patakaran para sa kaligtasan ng pangangalagang pangkalusugan. Kasama dito ang:

    • sa pagtanggap ng donasyong dugo o tisyu sa mga bansang hindi sapat na nasusuri ang suplay ng dugo para sa hepatitis B
    • sa muling paggamit ng mga kagamitang pang-medikal, pang-dental o pang-opera sa mga bansa kung saan hindi isterilisado nang maayos ang mga ito
    • sa pamamagitan ng mga tradisyonal na paraan ng panggagamot kung saan hinihiwa o tinutusok ang balat, kapag ang kagamitan ay muling ginamit o hindi isterilisado nang maayos ang mga ito (mga halimbawa ay wet cupping at acupuncture)

    Sa Canada, ang hepatitis B ay karaniwang naipapasa sa pamamagitan ng pakikipagtalik na walang condom at sa pagbabahagi ng mga kagamitan para sa paggamit ng droga, lalo na ang mga kagamitan para sa pag-iiniksyon ng droga o bawal na gamot. Maaari ring maipasa ang hepatitis B mula sa ina patungo sa sanggol habang ito ay ipinapanganak, sa pagitan ng mga magkakasama sa bahay sa pamamagitan ng direktang kontak ng dugo o ibang mga likido ng katawan (halimbawa, pagbabahagi ng mga kagamitang pampersonal na pangangalaga gaya ng pang-ahit, panggupit ng kuko at sipilyo) o sa pamamagitan ng muling paggamit ng hindi isterilisadong kagamitan para sa pagta-tatoo o pagbutas sa balat o body piercing.

     

    Sa Canada, ang hepatitis B ay hindi na naipapasa sa pamamagitan ng donasyong dugo o tisyu. Sinimulan ng Canada ang pagsusuri ng donasyong dugo at tisyu para sa hepatitis B noong 1972.

     

    Ang hepatitis B ay hindi naipapasa sa pamamagitan ng pagyakap, paghawak o paghalik o pagbabahagi ng mga kagamitan sa pagkain ng isang taong may virus.

     

    Maraming paraan upang maiwasan ang hepatitis B:

    • Magpabakuna para sa hepatitis B.
    • Kapag ikaw ay nag-iiniksyon ng droga, iwasan ang pagbabahagi sa pamamagitan ng paggamit ng bagong kagamitan sa tuwing ikaw ay nagtuturok.
    • Kung ikaw ay humihithit o sumisinghot ng droga, iwasan ang magbahagi sa pamamagitan ng paggamit ng sarili mong kagamitan sa tuwing ikaw ay humihithtit o sumisinghot.
    • Gamitin ang kondom sa tamang paraan tuwing ikaw ay makikipagtalik.
    • Magpasuri para sa hepatitis B habang nagbubuntis. Kung ikaw ay may hepatititis B, kumuha ng mabisang paggamot sa loob ng iyong pagbubuntis upang siguraduhin na ang iyong anak ay makakakuha nang maayos na pangangalaga kasama ang pagbabakuna pagkapanganak upang mabawasan ang panganib na maipasa ang hepatitis B sa iyong sanggol.
    • Kung ikaw ay magpapagamot, magpapadentista o magpapa-opera sa labas ng Canada, siguraduhin na ang mga kagamitan ay bago o isterilisadong mabuti.
    • Kung nakatanggap ka ng donasyong dugo o tisyu sa labas ng Canada, kumpirmahin na ito ay nasuri para sa mga pangkaraniwang impeksyon na naipapasa sa dugo.
    • Kung maaaring nalantad ka kamakailan sa hepatitis B, humanap ng pangangalagang medikal upang makakuha ng PEP (post-exposure prophylaxis). Dapat masimulan ang PEP para sa hepatitis B sa loob ng 48 na oras ng exposure o pagkakalantad.
  • Paano ko malalaman kung ako ay may hepatitis B?

    Karamihan sa mga taong may hepatitis B ay walang sintomas sa loob ng maraming taon kahit pa ang virus ay aktibo at pinipinsala ang kanilang atay. Maaaring may hepatitis B ka at hindi mo alam. Walang mandatory o sapilitang pagsusuri para sa hepatitis B kapag nag-aaply ang mga tao para sa permanenteng paninirahan sa Canada.

     

    Ang tanging paraan upang malaman kung mayroon kang hepatitis B ay magpasuri.

     

    Makipag-usap sa tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan tungkol sa pagpapasuri para sa hepatitis B. Kasabay nito, maaaring gusto mo ring magpasuri para sa ibang impeksyon tulad ng gonorrhea, chlamydia, hepatitis C, HIV at syphilis.

  • Nagagamot ba ang hepatitis B?

    Walang gamot para sa hepatitis B subalit karamihan ng mga nasa hustong edad na nagkaroon nito ay kusang gumagaling ng walang kinakailangang paggamot.

     

    Subalit, para sa ibang tao – lalo na sa mga nakakuha nito habang bata pa—ay nauuwi sa pangmatagalang impeksyon o chronic hepatitis B. Para doon sa nagkaroon ng pangmatagalang impeksyon, may paggamot para sa hepatitis B na kayang kontrolin ang virus. Kasama ang tamang pangangalaga, ang mga taong may hepatitis B ay maaaring magkaroon ng mahaba at malusog na buhay.

     

    Kung mayroon kang hepatitis B, makipag-usap sa isang tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan tungkol sa iyong mga opsyon sa paggamot.

  • Maaari mo bang ipasa ang hepatitis B sa iyong anak?

    Ang hepatitis B ay maaaring maipasa mula sa ina patungo sa sanggol habang ito ay ipinapanganak o sa pagkabata. Ang mga sanggol at bata ay higit na maaaring magkaroon ng pangmatagalang impeksyon ng hepatitis B na puwedeng humantong sa malubhang komplikasyon sa atay at kamatayan. Ang paggamot sa buntis at pagtiyak na ang sanggol ay makakatanggap ng tamang pangangalaga, kabilang ang pagbakuna sa pagkapanganak nito, ay higit na makakabawas sa panganib na maipasa ang hepatitis B. Walang panganib na maipasa ang hepatitis B sa pamamagitan ng pagpapasuso kapag ang sanggol ay nabakunahan at nabigyan ng sapat na pangangalaga.

     

    Kung ikaw ay buntis o nag-iisip na magbuntis, magpasuri para sa hepatitis B. Kung ikaw ay positibo, makipag-usap sa iyong duktor tungkol sa iyong mga opsyon upang mabawasan ang panganib na maipasa ang hepatitis B sa iyong sanggol.

  • Saan makakakuha ng serbisyo para sa hepatitis B?

    • Makipag-usap sa isang tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan tungkol sa pagpapasuri para sa hepatitis B o upang makakuha ng pangangalaga para sa hepatitis B.
    • Hanapin ang mga serbisyo para sa Hepatitis B sa iyong lugar sa https://whereto.catie.ca.

Maghanap ng mga serbisyo para sa pag-iwas, pagsusuri, paggamot at suporta sa iyong lugar.

whereto.catie.ca
crossmenuchevron-down
This site is registered on wpml.org as a development site. Switch to a production site key to remove this banner.